Aralan 101.
Ikalawang
Bahagi
Ang Pampulitikal na Adhikain ni Tatang at ang Lapiang Malaya
[i]
Ang nakalipas na Ikalawang Digmaang Pandaigdig (WW2) at ang kolonyal na kalagayan
ng Pilipinas sa ilalim ng Amerika ay naging mitsa ng panibagong mithiin at
tunguhin sa itinayong aralan ni Tatang. Sa pagtalunton ni Tatang sa kasaysayan ng Pilipinas mula ng sakupin ito
ng Espanya, Hapon at Amerika ay nakita
niya ang pagkalansag ng katutubong wika, kultura at pagkatao ng mga
Pilipino. Sa panahon ng pananakop ng
Amerika mula 1901-1946 nakita ni Tatang kung paano ang lahi ng Silangan ay
natakpan ng gawi at kaisipan ng Kanluran.
Hindi lamang ito makikita sa araw araw na pamumuhay, kundi sa
pangkalahatang pampulitika at pang-ekonomiyang kalagayan ng lipunan.
Nang pagkalooban ng Amerika ang Pilipinas ng “kalayaan”
noong Hulyo 4, 1946, ibinasura ni Tatang ang kalayaang ito bilang isang hungkag
na kalayaan. Matatandaan sa kasaysayan
na binigyang ng Amerika ng sampung taon ang Pilipinas upang matutong magsarili
at magtayo ng sariling pamahalaan sa ilalim ng Commonwealth period mula
1935-1946. Ayon kay Tatang, ang pagsasariling ito ay nawalan ng saysay
sapagkat itinali naman ang Pilipinas sa mga batas at tratado na nagpapailalim sa Pilipinas sa
pang-ekonomikong interes ng Amerika.
Inihalimbawa ni Tatang ang Bell Trade Act ng 1946, kung saan
naglatag ng mga kondisyon ang Amerika na dapat tanggapin ng mga Pilipino kung
gusto nila ang minimithing
kalayaan:
Ito ay ang mga
sumusunod:
1) ang pagtali ng
piso sa dolyar 2) ang
pagbibigay pantay na karapatan sa mga
Amerikano na bungkalin at makinabang sa ang ating mga likas na yaman 3)
malayang kalakalan sa pagitan ng Amerika at Pilipinas kung saan puwede silang
magbagsak ng kanilang produkto sa Pilipinas na walang
taripa sa loob ng sampung taon.
[ii] Napilitan ang lehislatura ng Pilipinas na
aprobahan ang mga kondisyones na ito. Sabi nga ng mga kasapi ng Bucal,
“iginisa tayo sa sarili nating mantika.”
Pinanindigan ni
Tatang na ang tunay na kalayaan ay nakatindig sa apat na haligi: Ito ay may 1) sariling Saligang Batas 2) may
sariling salapi 3) may sariling pananampalataya at 4) may mga katutubo at
makabayang mga simbolo ng pagsasarili.
Sa loob ng 10 taon simula 1959
hanggang 1967 ay nagmartsa at rali ang mga kasapi ng Bucal ng 14 na beses, mula
sa Pasay, Taft sa bahay ni Tatang
patungo sa monumento ni Jose Rizal at Andres Bonifacio. Sa mga raling ito dala-dala ng Bucal ang
napakalaking watawat ng Pilipinas bilang pagpupugay sa bayang sinilangan. Sa mga rali ay ibinando ng Bucal ang
kanilang masidhing pagmamahal sa bayan, nasyonalismo at pagwaksi sa
kolonyalismo. Pinapahayag din nila ang
mga turo ni Tatang sa nalimot ng
kasaysayan ng Pilipinas na nagsasabi na ang Pilipinas ay isang dakilang bansa
noong sinaunang panahon at ito ay magiging dakila uli sa nalalapit na
panahon. Dahil sa kolonyalismo
anila, ay hindi namulaklak ang sibilisasyon ng mga katutubo, nagkaroon ng
paglimot sa sariling pagkatao at nag-kawatak
watak ang iba’t ibang etnikong grupo.
Karamihan sa mga
kasapi ng Bucal ay mga maralitang magsasaka na mababa ang “edukasyon” ngunit
ito ay nalunasan ni
Tatang sa kanyang
aralan lalu na pag pasikat ang buwan.
Nagiging maalab ang diskurso ni Tatang pag pinaguusapan ang kasaysayan
ng Pilipinas simula sa sinauna hanggang kasalukuyang panahon.
Sa kauna-unahang pagkakataon, naunawaan ng
kapatiran ang tunay na
pangyayari sa
Treaty of Paris,
[iii] Tydings Mc Duffie Law at Konstitusyon na
binalangkas ng Amerika para sa Pilipinas.
Isang anekdota na
paulit-ulit na binabanggit ng kapatiran
ang pangyayari ng dumating si Pangulong
Lyndon B. Johnson ng Amerika noong 1966 Summit Conference. Kasama ang ilang malalapit na disipulo ni
Tatang tulad ni Rene Lapena, Remigio Santos at Floriano Par ay dire-diretso silang nakapasok ng gate ng Malakanyang sa kabila ng napakahigpit na seguridad ng mga guwardiyang
nakapalibot. Manghang mangha sila habang ikinukuwento ang
pangyayaring ito. Ikinampay ni Tatang
ang kanyang kamay at walang tanung-tanong na sila ay pinapasok sa
Malakanyang. Nakausap nila ang ilan sa
mga matataas na tauhan ni Johnson sabay bigay sa mga kahilingan pati na ang kabayaran sa traffic signal light na inimbento ni
Tatang.
Taong 1957 ay palatandaan ng dalawang mahalagang pangyayari
sa buhay ni Tatang at Bucal na Pananampalataya (BNP). Una, ay
hinayag ng Bucal ang isang “Tagalog Charter” na nagdedeklara ng “Birth of a New
Generation of People” (Pagsilang ng Bagong Henerasyon ng Mamamayan). Pangalawa, ay ang pagtakbo niya bilang
Pangulo ng Pilipinas sa ilalim ng nirehistro niyang partido politikal, Ang
Lapiang Malaya. Marso 4, 1957,
inirehistro ni Tatang ang Lapiang Malaya bilang isang partido politikal sa Securites and Exchange
Commission. Ang Lapiang Malaya ang
nagsilbing “political arm” ng Bucal ng Pananampalataya.
Sa pandaigdigang pananaw ni Tatang, ang pananampalataya at
politika ay hindi magkasalungat na tunguhin.
Ang isyu ng kalayaan, nasyonalismo at anti-kolonyalismo ay umusbong mula
sa malalim na balon o bukal na pananampalataya.
Bucal, Vucal o Bukal ay iisa lamang ang kahulugan – ito ay nagbubuhat sa
pinagmulan (source) ng lahat, na walang iba kung hindi ang Deyos na siyang
lumikha (Creator) at pasimula ng lahat. Sa pilosopiya o teolohiya ni Tatang, ang lahat
ng bagay ay binuo muna sa espiritwal bago ito iniluwal sa materyal. Kaya’t walang masasabi ang nilalang na tao na
siya ang may gawa sapagkat ang lahat ng bagay ay ginawa at “pinag-isipan” muna
sa Deyos na siyang “ubod-utac” ng lahat.
Sa ibang salita, ang “masterplan” ng pagtakbo ni Tatang
Valentin sa politika ay isang kataas-taasang kautusan upang itayo ang
pamahalaan ng Deyos sa lupa. Para sa mga kasapi ng Bucal, si Tatang
Valentin ang sugo o instrumento upang maisakatuparan ito. Hinikayat ng mga malalapit kay Tatang na tumakbo siya bilang Pangulo ng
Pilipinas at ito na rin ang naging daan upang
maipabantog niya sa buong kapuluan ng Pilipinas ang plataporma at adhikain ng Lapiang Malaya. Bagamat hindi nanalo si Tatang sa halalan ng
1957, hindi ito naging hadlang upang mawalan ng loob ang Lapiang Malaya. Bagkus ay higit na ibayong pangangampanya ang kanilang isinagawa taun-taon sa pagmamartsa
nila sa kalsada patungo man sa Malakanyang o sa monumento ni Bonifacio at
Rizal. Layon ng mga martsang ito na
ihayag sa madlang bayan ang mga prinsipyong pinaninidigan ng Lapiang Malaya.
Noong Hulyo 1966, naglabas
ang Lapiang Malaya ng kanyang pampulitikang pananaw sa isang tabloid na tinawag
na Manila News, na inilathala ng mga kapanalig ng Lapiang Malaya. Sa pahayagang
ito ay nilantad ng Lapiang Malaya ang anim
na isyu na nagpapahirap sa bayan: economic
slavery, Constitution, Taxation, Coinage, Involuntary Servitude and Religion. Ang
pahayag ay nakasulat sa ingles at may headline na SHOCKING BLUNDER IN OUR
GOVERNMENT BARED (free translation: Lantarang
Kabalintunaan ng Pamahalaan). Narito ang
salin sa tagalog:
Pagka-alipin ng
Ekonomiya (Economic Slavery)
Ang pagsakop ng dayuhang Amerika ang dahilan ng kahirapan at
kawalan ng kaunlaran ng bayan. Ang tanong ng LM, “sinu-sino ang may tangan ng
ating mga kayamanan? Tayo bang mga
alipin? Ano ang napapaloob sa Laurel-Langley Agreement? Kailan ba ito
nayari at nalagdaan? Sino ang may tangan ng ating minahan, lupa at
kabuhayan?.....”
Saligang Batas
(Konstitusyon)
Walang sariling Saligang Batas ang Pilipinas sapagkat ito ay
nakabase pa sa 1934 na Konstitusyon ng Commonwealth, na binalangkas sa utos at
basbas ng Amerika.
Tinukoy
dito ang pahayag ni
Senador Arturo Tolentino sa isang privilege
speech na “ang kasalukuyang Saligang Batas ay hindi Konstitusyon ng
Republika at kailangang palitan sa lalung
madaling panahon”
[iv]
Pananalapi (Coinage)
Walang malayang pananalapi ang Pilipinas.
Bilang katunayan, ang ating mga sentimo ay may tatak ng agila ng Amerika
at leon ng Espanya at ito ay ginawa sa ibang bansa. Kaya nga’t sinimulan na rin maghulma ng
sariling salapi si Tatang na tinawag niyang “buo”.
Pananampalataya (Relihiyon)
Ang pananampalataya ng “Bansang Tagalog, Silangang Asya,” (ang
piniling pangalan ni Tatang sa bansang Pilipinas) ay dapat may sariling
pagkakakilanlan (national identity).
Bago umano dumating ang mga Kastila, ang mga katutubo ay may sariling pagtawag sa kanilang Deyos ngunit ito ay
winasak ng mga kolonyalista at hinalinhan ng pagsambang ginamit na instrumento
ng pagsasamantala. Ani Tatang, ang
Bansang Tagalog ay dapat may sariling pananampalataya na nagpapamalas ng tunay
at likas na pagkatao ng mga katutubo.
Buwisan (Taxation)
Ang pagtutol sa pagbabayad ng sedula. Tanung nila, “kung ikaw ay naninirahan sa
iyong sariling bayan, bakit ka kailangang magbayad ng sedula sa pagtira mo dito.
Hindi ka naman skwater sa iyong bayan.”
Sapilitang Pagpap-alipin (Involuntary Servitude)
Ang pagtutol ng LM sa
paggamit ng Ingles sa mga paaralan bilang “medium of instruction.” Ang paggamit ng banyagang wika ang dahilan
upang makalimutan ang sariling kultura at mahalinhan ng kultura at ugaling
dayuhan. Ang mga katutubo ayon sa LM ay
naging alipin ng mga bagay, kaisipan, at
gawing kolonyal at kanluranin (western). Ang kulturang kolonyal ay ipinalunok sa mga katutubo ng walang sariling kapahintulutan.
Binigyan diin ng LM na ang wikang Tagalog at ang 28 alpabeto o banal na
abakada ay hindi lamang simpleng wika na binibigkas sa araw araw. Ito ay ang
espirituwal na lengguwahe (spiritual language) ng kaitaasan. Bilang patunay anila, iniluwal ang sanggol na ang iniiyak ay OHA,
ibig sabihin ay Opo, Hahanapin ko, Aalamin ko. Ang iyak na OHA ay
pahiwatig na ang bawat nilalang ng Deyos ay may “divine mission” na dapat
niyang matuklasan sa pagtahak niya sa mundo.
Ang kahalagahan ng ating sariling wika ay nasasaad sa tulang ito ni Mang
Elias, isang makata at alagad ni Tatang:
Wikang Tagalog
Ang wikang Tagalog,
wikang pandaigdig
Unang turong wika ng Deyos sa
Langit
Pagsilang ng tao pasigaw na
banggit
Ang salitang OHA sa Tagalog
himig.
Hindi Latin ‘yan at di rin
Castila
Lalong hindi English hindi rin
Visaya;
Walang maaring i–angkop na
Wika
Kung di ang Tagalog ang tunay
na Tama.
Ang huni ng ibon, pipit, owak,
kuling
Ating unawain, Tagalog ang
hambing;
Ang ungol ng baka, kalabaw at
kambing
Tagalog na lahat ang
itinuturing.
Pagaspas ng hangin, lagapak ng
kahoy
Tagalog na lahat ang mga
paturol;
Ang putak ng manok at igik ng
baboy
Ating maririnig Tagalog ang
tukoy.
Ang lahat ng ito mga patutuo
Ang wikang Tagalog ang ating isinuso
Sa Adan at Evang unang naging tao
Saksi’y kalikasan sa bagay
na ito.
[i] Ang
malaking bahagdan ng mga impormasyon sa artikulong ito ay hinalaw sa master’s
thesis ni Bangele Alsaybar na pinamagatang “New People, New Nation”, an
interpretive Anthropological Study of Lapiang Malaya, matatagpuan sa UP Diliman
Filipiniana, Main Library.
[ii]
Ito ay nakapaloob sa ang Bell Trade Act.
Sinundan pa ito ng mga
ibang
batas tulad ng Laurel-Langley Agreement, Parity Rights at
iba pa.
Nilabanan ng mga makabayang Pilipino ang mga probisyong ito na
nagpapawalang
silbi sa tunay na kalayaan
kayat nagkaroon ng mga amyenda at modipikasyon sa mga sumusunod na taon.
[iii] Kasunduan
sa pagitan ng Espanya at Amerika kung saan isinuko ng Espanya ang kapangyarihan
sa Pilipinas bukod pa sa pagbenta nito ng Pilipinas sa Amerika sa halagang 20
milyong dolyares
[iv]
Tolentino Resolution of both
Houses, No.
1, 1965)