Wednesday, May 16, 2018

Aralan 101.  Ikalawang Bahagi

Ang Pampulitikal na Adhikain ni Tatang at ang Lapiang Malaya[i]

     Ang nakalipas na Ikalawang Digmaang  Pandaigdig (WW2) at ang kolonyal na kalagayan ng Pilipinas sa ilalim ng Amerika ay naging mitsa ng panibagong mithiin at tunguhin sa itinayong aralan ni Tatang. Sa pagtalunton ni Tatang  sa kasaysayan ng Pilipinas mula ng sakupin ito ng Espanya, Hapon at Amerika ay nakita  niya ang pagkalansag ng katutubong wika, kultura at pagkatao ng mga Pilipino.  Sa panahon ng pananakop ng Amerika mula 1901-1946 nakita ni Tatang kung paano ang lahi ng Silangan ay natakpan ng gawi at kaisipan ng Kanluran.  Hindi lamang ito makikita sa araw araw na pamumuhay, kundi sa pangkalahatang pampulitika at pang-ekonomiyang kalagayan ng lipunan. 

     Nang pagkalooban ng Amerika ang Pilipinas ng “kalayaan” noong Hulyo 4, 1946, ibinasura ni Tatang ang kalayaang ito bilang isang hungkag na kalayaan.  Matatandaan sa kasaysayan na binigyang ng Amerika ng sampung taon ang Pilipinas upang matutong magsarili at magtayo ng sariling pamahalaan sa ilalim ng Commonwealth period mula 1935-1946.  Ayon kay Tatang,  ang pagsasariling ito ay nawalan ng saysay sapagkat itinali naman ang Pilipinas sa mga batas at  tratado na nagpapailalim sa Pilipinas sa pang-ekonomikong interes ng Amerika. 

     Inihalimbawa ni Tatang ang Bell Trade Act ng 1946, kung saan naglatag ng mga kondisyon ang Amerika na dapat tanggapin ng mga Pilipino kung gusto nila ang minimithing  kalayaan:  Ito ay ang mga sumusunod:  1) ang pagtali ng  piso sa dolyar 2) ang  pagbibigay pantay na karapatan sa mga Amerikano na bungkalin at makinabang sa ang ating mga likas na yaman 3) malayang kalakalan sa pagitan ng Amerika at Pilipinas kung saan puwede silang magbagsak ng kanilang produkto sa Pilipinas na walang  taripa sa loob ng sampung taon.[ii]  Napilitan ang lehislatura ng Pilipinas na aprobahan ang mga kondisyones na ito. Sabi nga ng mga kasapi ng Bucal,  “iginisa tayo sa sarili nating mantika.”

     Pinanindigan  ni Tatang na ang tunay na kalayaan ay nakatindig sa apat na haligi:   Ito ay may 1) sariling Saligang Batas 2) may sariling salapi 3) may sariling pananampalataya at 4) may mga katutubo at makabayang mga simbolo ng pagsasarili.    Sa  loob ng 10 taon simula 1959 hanggang 1967 ay nagmartsa at rali ang mga kasapi ng Bucal ng 14 na beses, mula sa Pasay,  Taft sa bahay ni Tatang patungo sa monumento ni Jose Rizal at Andres Bonifacio.  Sa mga raling ito dala-dala ng Bucal ang napakalaking watawat ng Pilipinas bilang pagpupugay sa bayang sinilangan.   Sa mga rali ay ibinando ng Bucal ang kanilang masidhing pagmamahal sa bayan, nasyonalismo at pagwaksi sa kolonyalismo.  Pinapahayag din nila ang mga turo ni  Tatang sa nalimot ng kasaysayan ng Pilipinas na nagsasabi na ang Pilipinas ay isang dakilang bansa noong sinaunang panahon at ito ay magiging dakila uli sa nalalapit na panahon.      Dahil sa kolonyalismo anila, ay hindi namulaklak ang sibilisasyon ng mga katutubo, nagkaroon ng paglimot sa sariling  pagkatao at nag-kawatak watak ang iba’t ibang etnikong grupo.      

     Karamihan sa mga kasapi ng Bucal ay mga maralitang magsasaka na mababa ang “edukasyon” ngunit ito ay nalunasan ni  Tatang sa kanyang aralan lalu na pag pasikat ang buwan.  Nagiging maalab ang diskurso ni Tatang pag pinaguusapan ang kasaysayan ng Pilipinas simula sa sinauna hanggang kasalukuyang panahon.  Sa kauna-unahang pagkakataon, naunawaan ng kapatiran ang tunay na  pangyayari sa Treaty of Paris,[iii]  Tydings Mc Duffie Law at Konstitusyon na binalangkas ng Amerika para sa Pilipinas.

     Isang anekdota na paulit-ulit na  binabanggit ng kapatiran ang pangyayari ng  dumating si Pangulong Lyndon B. Johnson ng Amerika noong 1966 Summit Conference.   Kasama ang ilang malalapit na  disipulo ni  Tatang tulad ni Rene Lapena, Remigio Santos at Floriano Par ay dire-diretso silang nakapasok ng gate ng Malakanyang  sa kabila ng napakahigpit na  seguridad ng mga guwardiyang nakapalibot.  Manghang  mangha sila habang ikinukuwento ang pangyayaring ito.   Ikinampay ni Tatang ang kanyang kamay at walang tanung-tanong na sila ay pinapasok sa Malakanyang.   Nakausap nila ang ilan sa mga matataas na tauhan ni Johnson sabay bigay sa mga  kahilingan pati na ang kabayaran sa  traffic signal light na inimbento ni Tatang. 

     Taong 1957 ay palatandaan ng dalawang mahalagang pangyayari sa buhay ni Tatang at Bucal na Pananampalataya (BNP).  Una, ay hinayag ng Bucal  ang isang “Tagalog  Charter” na nagdedeklara ng “Birth of a New Generation of People” (Pagsilang ng Bagong Henerasyon ng Mamamayan).  Pangalawa, ay ang pagtakbo niya bilang Pangulo ng Pilipinas sa ilalim ng nirehistro niyang partido politikal, Ang Lapiang Malaya.  Marso 4, 1957, inirehistro ni Tatang ang Lapiang Malaya bilang isang  partido politikal sa Securites and Exchange Commission.  Ang Lapiang Malaya ang nagsilbing “political arm” ng Bucal ng Pananampalataya.

     Sa pandaigdigang pananaw ni Tatang, ang pananampalataya at politika ay hindi magkasalungat na tunguhin.  Ang isyu ng kalayaan, nasyonalismo at anti-kolonyalismo ay umusbong mula sa malalim na balon o bukal na pananampalataya.  Bucal, Vucal o Bukal ay iisa lamang ang kahulugan – ito ay nagbubuhat sa pinagmulan (source) ng lahat, na walang iba kung hindi ang Deyos na siyang lumikha (Creator) at pasimula ng lahat.   Sa pilosopiya o teolohiya ni Tatang, ang lahat ng bagay ay binuo muna sa espiritwal bago ito iniluwal sa materyal.  Kaya’t walang masasabi ang nilalang na tao na siya ang may gawa sapagkat ang lahat ng bagay ay ginawa at “pinag-isipan” muna sa Deyos na siyang “ubod-utac” ng lahat. 

     Sa ibang salita, ang “masterplan” ng pagtakbo ni Tatang Valentin sa politika ay isang kataas-taasang kautusan upang itayo ang pamahalaan ng  Deyos sa lupa.  Para sa mga kasapi ng Bucal, si Tatang Valentin ang sugo o instrumento upang maisakatuparan ito.  Hinikayat ng mga malalapit kay  Tatang na tumakbo siya bilang Pangulo ng Pilipinas at ito na rin ang naging daan upang  maipabantog niya sa buong kapuluan ng Pilipinas ang  plataporma at adhikain ng Lapiang Malaya.  Bagamat hindi nanalo si Tatang sa halalan ng 1957, hindi ito naging hadlang upang mawalan ng loob ang Lapiang Malaya.  Bagkus ay higit na ibayong pangangampanya ang  kanilang isinagawa taun-taon sa pagmamartsa nila sa kalsada patungo man sa Malakanyang o sa monumento ni Bonifacio at Rizal.  Layon ng mga martsang ito na ihayag sa madlang bayan ang mga prinsipyong pinaninidigan ng Lapiang Malaya. 

     Noong Hulyo 1966,  naglabas ang Lapiang Malaya ng kanyang pampulitikang pananaw sa isang tabloid na tinawag na Manila News, na inilathala ng mga kapanalig ng Lapiang Malaya. Sa pahayagang ito ay nilantad ng Lapiang Malaya ang  anim na isyu na nagpapahirap sa bayan:  economic slavery, Constitution, Taxation, Coinage, Involuntary Servitude and Religion. Ang pahayag ay nakasulat sa ingles at may headline na SHOCKING BLUNDER IN OUR GOVERNMENT BARED (free translation:  Lantarang Kabalintunaan ng Pamahalaan).  Narito ang salin sa tagalog:

Pagka-alipin ng Ekonomiya (Economic Slavery)

     Ang pagsakop ng dayuhang Amerika ang dahilan ng kahirapan at kawalan ng kaunlaran ng bayan. Ang tanong ng LM, “sinu-sino ang may tangan ng ating mga kayamanan?  Tayo bang mga alipin? Ano ang napapaloob sa Laurel-Langley Agreement?  Kailan ba ito  nayari at nalagdaan? Sino ang may tangan ng ating minahan, lupa at kabuhayan?.....”

Saligang Batas (Konstitusyon)

     Walang sariling Saligang Batas ang Pilipinas sapagkat ito ay nakabase pa sa 1934 na Konstitusyon ng Commonwealth, na binalangkas sa utos at basbas ng Amerika.  Tinukoy  dito ang pahayag ni  Senador Arturo Tolentino sa isang privilege speech na “ang kasalukuyang Saligang Batas ay hindi Konstitusyon ng  Republika at kailangang palitan sa lalung madaling panahon”[iv]

Pananalapi (Coinage)

     Walang malayang pananalapi ang  Pilipinas.  Bilang katunayan, ang ating mga sentimo ay may tatak ng agila ng Amerika at leon ng Espanya at ito ay ginawa sa ibang bansa.  Kaya nga’t sinimulan na rin maghulma ng sariling salapi si Tatang na tinawag niyang “buo”.

Pananampalataya (Relihiyon)

     Ang pananampalataya ng “Bansang Tagalog, Silangang Asya,” (ang piniling pangalan ni Tatang sa bansang Pilipinas) ay dapat may sariling pagkakakilanlan (national identity).  Bago umano dumating ang mga Kastila, ang mga katutubo ay may sariling  pagtawag sa kanilang Deyos ngunit ito ay winasak ng mga kolonyalista at hinalinhan ng pagsambang ginamit na instrumento ng pagsasamantala.  Ani Tatang, ang Bansang Tagalog ay dapat may sariling pananampalataya na nagpapamalas ng tunay at likas na pagkatao ng mga katutubo.

Buwisan (Taxation)

      Ang pagtutol sa pagbabayad ng sedula.  Tanung nila, “kung ikaw ay naninirahan sa iyong sariling bayan, bakit ka kailangang magbayad ng sedula sa pagtira mo dito. Hindi ka naman skwater sa iyong bayan.”

Sapilitang Pagpap-alipin (Involuntary Servitude)  

     Ang pagtutol ng  LM sa paggamit ng Ingles sa mga paaralan bilang “medium of instruction.”  Ang paggamit ng banyagang wika ang dahilan upang makalimutan ang sariling kultura at mahalinhan ng kultura at ugaling dayuhan.  Ang mga katutubo ayon sa LM ay naging alipin ng mga  bagay, kaisipan, at gawing kolonyal at kanluranin (western).  Ang kulturang kolonyal ay ipinalunok sa mga katutubo ng walang sariling kapahintulutan.  

     Binigyan diin ng LM na ang wikang Tagalog at ang 28 alpabeto o banal na abakada ay hindi lamang simpleng wika na binibigkas sa araw araw.  Ito ay ang  espirituwal na lengguwahe (spiritual language) ng kaitaasan.  Bilang patunay anila,  iniluwal ang sanggol na ang iniiyak ay OHA, ibig sabihin ay Opo, Hahanapin ko, Aalamin ko. Ang iyak na OHA ay pahiwatig na ang bawat nilalang ng Deyos ay may “divine mission” na dapat niyang matuklasan sa pagtahak niya sa mundo.  Ang kahalagahan ng ating sariling wika ay nasasaad sa tulang ito ni Mang Elias, isang makata at alagad ni Tatang:   

                    Wikang Tagalog
Ang wikang Tagalog, wikang  pandaigdig
Unang turong wika ng Deyos sa Langit
Pagsilang ng tao pasigaw na banggit
Ang salitang OHA sa Tagalog himig.

Hindi Latin ‘yan at di rin Castila
Lalong hindi English hindi rin Visaya;
Walang maaring i–angkop na Wika
Kung di ang Tagalog ang tunay na Tama.

Ang huni ng ibon, pipit, owak, kuling
Ating unawain, Tagalog ang hambing;
Ang ungol ng baka, kalabaw at kambing
Tagalog na lahat ang itinuturing.

Pagaspas ng hangin, lagapak ng kahoy
Tagalog na lahat ang mga paturol;
Ang putak ng manok at igik ng baboy
Ating maririnig Tagalog ang tukoy.

Ang lahat ng ito mga patutuo
Ang wikang Tagalog ang ating isinuso
Sa Adan at Evang  unang naging tao
Saksi’y kalikasan sa bagay na  ito.




[i] Ang malaking bahagdan ng mga impormasyon sa artikulong ito ay hinalaw sa master’s thesis ni Bangele Alsaybar na pinamagatang “New People, New Nation”, an interpretive Anthropological Study of Lapiang Malaya, matatagpuan sa UP Diliman Filipiniana, Main Library.
[ii] Ito ay nakapaloob sa ang Bell Trade Act.  Sinundan pa ito ng mga  ibang batas tulad ng Laurel-Langley Agreement, Parity Rights at  iba pa.  Nilabanan ng mga makabayang Pilipino ang mga probisyong ito na nagpapawalang  silbi sa tunay na kalayaan kayat nagkaroon ng mga amyenda at modipikasyon sa mga sumusunod na taon.
[iii] Kasunduan sa pagitan ng Espanya at Amerika kung saan isinuko ng Espanya ang kapangyarihan sa Pilipinas bukod pa sa pagbenta nito ng Pilipinas sa Amerika sa halagang 20 milyong dolyares
[iv] Tolentino Resolution of both  Houses, No. 1, 1965)

No comments:

Post a Comment