Friday, June 15, 2018


Aralan 101. Ika-limang Bahagi

SAMPUNG BANAL NA ALITUNTUNIN[i]
(Ayon kay Tatang)


1.       Hanapin sa sariling tuklas ang  pangalan at  apelyido ng Deyos na nakatago sa Hiwaga ng pitong susi.
2.       Tuklasin mong makilala ang iyong sarili ng hindi ka maghirap sa pagkilala sa kapwa  mo. 
3.       Huwag mawawalan ng pag-asa sa Deyos mo.  Huwag mo siya ipatatalo.
4.       Huwag mong pagkukulangan ang pag-aala ala sa Deyos  at nang huwag ka niyang makalimutan.
5.       Igagalang mo ang iyong Ama at Ena.  Sa kanila mo utang ang iyong buhay.
6.       Masama ang maki-apid sa hindi mo asawa.  Kaya huwag mong gagawin.
7.       Huwag kang magnanakaw.
8.       Huwag kang magsisinungaling. 
9.       Huwag kang magnanasa sa hindi mo pag-aari.
10.   Ingatan mo ang iyong sarili sa hibo at paraya ni Satanas nang maging dakila ka sa Deyos.

Pagkayaring banggitin ni Tatang ang  “sampung utos” pinapaalala ni Tatang  “na ibigin ang Deyos una sa lahat at mahalin ang kapwa tulad ng pagmamahal sa sarili.”          


[i] Sinipi mula sa master’s thesis ni  Bangele Alsaybar, “New People New Nation – An Interpretive Anthropological Study of Lapiang Malaya”  1987.

Sunday, June 10, 2018

Aralan 101.  Ika-apat na Bahagi

Anong pamahalaan meron si Tatang?

“As above so below”.  Kung paano sa langit, ganuon din sa lupa.  Kung paano sa kaitaasan, ganuon din sa kaloob-looban.

Ito ang patakarang sinusunod ni Tatang sa pagpapalakad sa pamahalaan ng Vucal ng Pananampalataya (VNP), ang espirituwal na pundasyon na nagtayo sa Lapiang Malaya.  Sa aral ni Tatang, ang espirituwal at materyal ay iisa at lahat ng nakikita sa materyal ay inisip at nilikha ng Deyos sa espirituwal, ang “ubod-utac” ng lahat, tulad nga ng sabi ni Tatang .   Ang mundo ng espirituwal ang pinanggagalingan ng lahat ng kapangyarihan at katotohanan at ang mundong pisikal o materyal ay mistulang  anino o ilusyon lamang. 

Ang pamahalaan ni Tatang ay nagbuhat sa kanyang pagnanais na maka-likha ng kaharian na tulad ng langit dito sa lupa.  Ang bawat kasapi na nabigyan ng tungkulin ay may responsibilidad na gawing kongkreto ang kahariang ito sa kanilang araw araw na pamumuhay.  Pangunahin dito ang mahalin ang Deyos ng higit sa sarili at mahalin ang kapwa tulad ng pagmamahal sa sarili. 

Sa langit, ang gawain ng mga taga-sunod ni Maestro Hesus ay kinabibilangan ng mga sumusunod[1]:

1)      Serapines -  mga espiritu sa piling ng Deyos na mga tapat ang pag-ibig sa kanya.
2)      Quirubines – kapangyarihan sa isip at kabaitan.
3)      Dominaciones – kapangyarihan sa pag-aalaga at naguutos sa Espiritu ukol sa karagatan.
4)      Potentades – kapangyarihan na lumalaban sa masasamang espiritu at kumakalinga sa mga tapat sa Deyos.
5)      Principades – mga sugo ng Deyos na nakikipag-usap sa tao; San Gabriel na sinugo sa mahal na birhen.
6)      Patriarca – mga banal nang hindi pa ipinanganak ang Maestro Hesus.
7)      Profeta – inaralan at pinag-pahalagahan ng Deyos.
8)      Apostoles – mga pinili na kasama ni Maestro Hesus.
9)      Alagad – mga tumulong sa apostoles.
10)  Evangelistas – sumulat sa kasaysayan ng Maestro Hesus.
11)  Martires  - mga matatapang na kasama na  hindi natakot sa pagtatanggol sa simulain ng Maestro.
12)  Doktores -  manggagamot at dalubhasa sa mga aklat ukol sa Deyos.
13)  Confesores -  tagapangalaga sa mga inuusig na Kristiyano.
14)  Virgines – mga dalagang nagtitiis sa pagsunod sa utos ng Maestro Jesus.
15)  Mga babae na may asawa na nagsisisi sa  kanilang pagkakamali. Nagbalik loob.

Sa pamahalaan ni Tatang, ang mga gawain ng bawat isa ay katulad din ng pamahalaan ng Maestro Hesus[2]:

1)      Serapines – mga mababait, tapat at mga banal na pinili ng Tatang.
2)      Querubines – mga kasama na may kaisipan, damdamin at kabaitan mang-aliw sa Tatang.
3)      Dominaciones – mga kasama sa malayong lugal na tawid dagat. Nagmamalasakit sa Vucal kahit tawid dagat.
4)      Potentades – mga kasama na lumalaban sa masasamang espiritu.
5)      Principados – mga nasusugo ng Tatang sa pagpapalaganap ng banal na Simulain.
6)      Patriarcas – mga kasama na hindi nasasaklaw ng Vucal at Lapian.
7)      Profetas – mga kasama na natutong magnumerasyon.
8)      Apostoles – mga pinili na kasama ng Tatang; mga tapagpagpalaganap.
9)      Alagad – mga kasama na tumutulong sa mga kasama ng Tatang sa pagpapalaganap ng aral ng Tatang.
10)  Evangelistas – mga kasama ng Tatang sa panulat ng kasaysayan.
11)  Martires – mga matatapang na walang takot sa pagmamalasakit sa simulain ng Vucal at Lapian.
12)  Doktores – mga manggagamot sa turo ng Tatang at ng mga mag-aakda ng Kasaysayan ng  Vucal.
13)  Confesores – tagapag-alaga ng Tatang sa mga kapatid.
14)  Mga dalaga – Virgines na kasama.
15)  Mga babae na nagpapakabuti at nagpapakasakit sa Vucal at Lapian.

Ayon rin kay Alsaybar[3], ang pamahalaan ni Tatang ay di tulad ng pamahalaang sibilyan na may sinusunod na ranggo at burokrasya.  Ang mga kasapi ng  Bucal ay binibigyan ng gawain o posisyon ayon sa kanyang kakayahan, kagalingan at likas na talento na ipinagkaloob ng Deyos.  Kaya’t walang mataas o mababa, maliit o malaking papel sa pamahalaan ni Tatang.  Ang lahat ay pantay-pantay sa mata ng Deyos. Si Tatang ang nagsisilbing lider at supremo, at ang kanyang salita ay parang batas na walang pasubaling sinusunod ng kapatiran.  

“Siya ang batas at siya rin ang tagapagpatupad; siya rin ang sumasaklaw sa anumang dapat gawin ng kapatiran; siya ang Alpha at Omega ng Lapian at Vucal;  nayayari ang lahat sa kanyang kapamahalaan ayon naman sa pagsunod sa utos sa kanya ng kapangyarihan na sa Hiwaga[4].”










[1] Bangele Alsaybar, New People, New Nation, An Interpretive Anthropological  Study of Lapiang Malaya, 1987, Master’s Thesis, UP Diliman at matatagpuan sa Filipiniana Section , UP Diliman Library.
[2] Sinipi sa thesis ni Alsaybar
[3] Sinipi sa thesis ni Alsaybar
[4] Sinipi sa thesis ni Alsaybar